Pira-pirasong Pag-ibig

Lumipas na, huwag mong panghinayangan. Isipin mo hindi ka minahal, ilagay mo sa malikot mong isip na ginawa kang tuntungan sa oras na walang maaring hawakan. Binigay mo ang lahat subalit hindi sapat. Huwag kang magsisi hindi pa huli para mag-umpisa sa sarili.

Bangungot ang nagpagising sa dikta ng puso. Pira pirasong kumalas. Nakabaon ang pagkatao sa lusak ng pagkukunyari. Salitang kasing talas ng punyal, nakadikit na sa pandinig. Araw-araw nakakapiling ang paghuhusgang walang humpay at panlalait sa pagkataong winawasto. Andiyan ang anino at pagbabalatkayong kinakasanayan na. Nakangiti ngunit walang buhay ang mata, masasalamin ang tigmak na kaligayahan sa pedestal na nilalakaran.

Pag-ibig ba ang magpapabago ng lahat? Pagmamahal ba ang magtatayo at aakay sa kaluluwang nagliwaliw sa parang ng paghihiganti? Hindi na sapat ang kaalaman, madaming natuklasan na kasinungalingan at pilit na pinagtakpan ng panibagong paglilinlang. Isang hiling, isang pakiusap hindi mapagbigyan ngunit ang balik ay baliktad. Ikaw na ang masama, ikaw na ang gumawa ng lahat ng pagkakamali. Ganito ba karupok ang pagmamahal na dinulog? Ganoon din ba kababa ang pagkatao na pati katotohanan ikinukubli sa matamis na dila at mainit na yakap.

Sadyang ang tanong unti-unti ng nasasagot. Sa paraang mas mahirap matanggap at sa panahong nag-uumpisa ng makalimot. Sana hindi nabasa ang lahat ng usapan. Sana sa oras na sinaktan nagkaron ng lakas ng loob para lumaban sa paraang tama at sa paraang may ebidensyang panghahawakan. Kailan ba titigil ang ganitong mantra? Hindi ba pa sapat na nilinlang ang iba at nagpakasaya sa piling niya? Hindi pa ba sapat ang nakitang nadurog ang isang kaluluwa o sadyang hanggang huli magiging pasanin kita?

Nasaan ang pangako na sa oras bumitaw ibibigay ang dapat? Sa lahat ng usapin, sa lahat ng karapatan. Walang madedehado, walang makakalamang? Nakalimutan na ba ang sakripisyong ginawa para sa ikagaganda ng lahat? Masakit ang katotohanan na sa kabila ng ginawa, nalinlang ang mga taong walang kinalaman. Magmanipula ng sitwasyon kung buong buong naibalik ang nararapat.

Ambie, hindi pa huli ang lahat. Mag umpisa ka sa paraang nararapat. Sa dako roon, andoon si Domeng nakaabang sa kabilang ibayo. Kagaya ng gabing bilog ang buwan at magkahawak kamay. Sa paglipas ng lahat ng unos, andoon sa bahay ang isang nilalang. Umalis ang gustong umalis just name your price!

Share this

Bhing
Receive Quality Articles Straight in your Inbox by submitting your Email below.

Ads2