Sa gitna ng karimlan,
Ng mapusyaw na kalangitan,
Hinahanap talang gagabay,
Sa paglalayag ng pusong napapagal.
Minamasdan ang paligid,
Tila ba lahat ng ngiti nakatago,
Kumubli sa sulok ng pag-aatubili,
Ginagapos ng pagsisisi.
Ang hangin na dumadapyo,
Nagpapalakas ng loob na tumayo,
Susugurin ang dagat at magpapatianod,
Baka sa gitna nito andoon ang sagot.
Namamangka,
Sagwan dito, sagwan doon,
Gustong pabilisin ng pabilisin,
Pagtakas at paglayo ang siyang hangarin.
Gaano pa kalayo ang dapat baybayin,
Nakaraan paano lilimutin?
Kung ang punyal nakadikit pa rin,
Ang paglaya ang hirap angkinin.
Sumbat at hinanakit,
Umuukilkil sa tenga,
Araw-araw tanong ay di makaya,
Bakit ganoon ang bagwis ng makata?