Takipsilim Sa Buhay ng Magdalena

Naglalakad sa masalimuot na kalsada,
Madilim at may nakaambang lagim sa eskinita,
Ngunit ang anino ng Madalena, naglalakad mag-isa,
Pasuray-suray hawak ang lasong pula.

Kumukutitap ang ilaw sa bahay na walang kusina,
Kumakaway sa taong naghahanap ng ligaya,
Tila ba isang regalo para sa kanila,
Nag-aantay lamang at magbubukas ng kusa.

Napalingon ang nalilitong kaluluwa,
Pilit hinahanap ang kamay na gagabay sa pagdurusa,
Subalit kapwa buwaya mismong nagtulak sa kanya,
Isinubsob sa putikan at itinayo sa tulong ng droga.

Dumaing ng pagmamakaawa, nasaid ang boses,
Luha ay tumulo sa kalakarang 'di batid,
Nagdidiliryo at wala na sa tamang pag-iisip,
Katawan sumabay sa tukso ng bolang kristal sa langit.

Pinikit ang mga mata sa musikang sinasambit,
Laksang pasakit ngayong gabi 'di maririnig,
Isang pekeng ngiti ang ibibigay sa pagniniig,
Babalutin ang sistema ng huwad na pag-ibig.

Di inaalintana ang likidong pumasok,
Isang ligwak ng pagdurusa at hagod,
Perang kikitain, buhay maitatawid,
Para sa pamilyang ninanais na maituwid.

Tumigis ang luha sa hapdi ng kirot,
Konsensya umiral sa gabing nagpatianod,
Nanaghoy ang kaluluwa sa ginawang 'di kalugudlugod,
Ngunit ang takipsilim ang hudyat ng kanyang pagkayod.

Share this

Bhing
Receive Quality Articles Straight in your Inbox by submitting your Email below.

1 Share your thoughts :

napa wow ako at natigil sa ganda ng hambing!...ganda ng tema!

Ads2