Binulabog ang sambayanan,
Kahindikhindik na krimen nasaksihan,
Biktima ay nakahilera, nakahandusay,
Sa sariling dugo, nakamarka ang kahayupan.
Sinong maysala sa krimen?
Pulitika ba'y ganito ang sukdulan?
Gobyerno ba'y sadyang walang kinalaman?
O ginagamit lang ng mga mapaglinlang?
Ang hirap matanggap ganito ang bayan,
Sambayanan naghihikahos, puro pa kaguluhan,
Nasaan ang pangakong magandang kinabukasan,
Kung sa bawat sulok krimen natatabunan.
Sino ang dapat managot sa batas?
Rebelde bang hindi umaamin at nagmamatigas?
Pulitiko bang tinuturo na siyang may basbas?
O gobyernong nagsasabing tutugisin ang mga mapangahas?
Paano makukumbinsi ang mga tao?
Kung mulat na sila at alam ang totoo?
Paano maitutuwid ang gobyerno?
Kung alam natin nasa sistema ang puno't dulo?
Hustisya man ang isigaw,
Kung puro lang salita ang umaalingawngaw,
Kahimikan mahirap matanaw,
Hanggang krimen walang linaw.
1 Share your thoughts :
Sa kabila ng aking galit at poot sa karumaldumal na pagpaslang sa 57 biktima mg Maguindanao Masaker, idinadalangin ko sa panginoon na Kanyang ipagkaloob ang tunay na katarungan na maaring ipagkait ng kasalukuyang Administrasyon dahil sa namamagitang pagkakaibigan at utang na loob sa mga iilang makapangyarihan na itinuturong utak ng nasabing pagpaslang.
Katarungan sa bawa't biktima ng Maguindanao Masaker.