Para saiyo Papa


Mahal kong Papa,


Ipagpaumanhin ninyo po kung sa tagal ko na dito sa mundo ng blog ay hindi ako nagsusulat ng entry tungkol sainyo. Hindi ko alam paano sisimulan at hindi ko rin maiisip ano ang magiging wakas ng istorya.


Ngayong araw na ito nagtapos ang paglalakbay mo sa mundong ibabaw. 22 taon na ang nakalipas pero sariwa pa rin sa aking alala ang lahat. Tandang-tanda ko kung anong mga salita ang huli mong binitawan, mga habilin na ginawa naming lakas sa kabila ng hamon na dumating. Sa bisig ko ikaw nalagutan ng hininga, at sa yakap ni Mama ako nahimlay sa gitna ng agam-agam. Hindi ko maapuhap ang ibig sabihin ng salitang wala ka na. Dinamdam ko ng husto, iyon ang karanasan ng aking unang pagkabigo, unang luhang puno ng sakit at pagkabahala na walang sagot. Nabigo akong maranasan kung paano lumaking may gabay ng isang tatay, kasama ng aking mga kapatid pakiramdam namin noon natapos ang masayang yugto ng pagtira namin sa isang "kaharian".


Kagabi, pumailanlang ang musikang malumbay. Nakatitig ako sa kawalan, sa imahinasyon na sana sa huling pagkakataon mayakap kita, maramdaman kong andiyan ka pa at muling marinig ang salitang "Anak, mahal kita". Iyon ang salitang nagdudugtong sa atin. Ang katagang kahit kailan hindi ko na narinig. Nasa ikaapat na baitang ako noon, Makailang ulit tinawag ang aking pangalan sa entablado, ngunit hindi ka na dumating, walang nagsabit ng medalyang aking pinaghirapan. Iyon pala isinugod ka na sa hospital. Kaakibat ng karangalan ang aking pagkabigo at pagluhang wala ka na.


Magiging kalabisan na kung sasabihin kong lagi pa rin kitang namimiss ngunit iyon ang katotohanan. Naiinggit ako sa pamilyang buo, nagagalit ako sa anak na sumusuway sa utos ng magulang at nalulungkot ako sa tuwing nakakakita ako ng nilalapastangan ang sagradong relasyon ng mag-ama.


Sa kabila ng maaga mong pagkawala, nanalaytay pa rin ang pagmamahal mo sa amin. Nagmarka sa ating pamilya ang salitang pagbibigayan at pagkakasundo. Sana proud ka sa amin, sana nagawa ko ang parte ko bilang anak. Hindi ko man naibigay lahat subalit Papa ginawa ko sa abot makakaya ang pagtapusin sila at bigyan si Mama ng maayos na tahanan.


Sana kagaya mo ang magiging asawa ko, responsable, walang bisyo, at may pananalig sa Kanya. Madaming nagsasabi, father figure daw ang hinahanap ko sa isang relasyon, masisi ba nila ako kung nakita ko sainyo ang image ng pagiging perfect father? Masisi ba ako ng ilan kung nasaksihan ko paano kayo nagmahalan ni Mama?


Papa, namimiss ko ang iyong yakap. Namimiss ko ang iyong pagluluto, namimiss ko ang simpleng kwentuhan pagkatapos ng hapunan. Minsan, naglalaro sa isip ko pag-uwi ko sa bisig mo at ni Mama ang unang sasalubong sa akin sa airport. Sa init ng inyong pagmamahal, doon ako pansamantalang mahihimlay at muli ninyong ibulong sa akin " Anak, mahal ka namin".


Nagpapasalamat ako ikaw ang naging Tatay ko. Kahit sa konting panahon, naramdaman namin kung paano magkaron ng mapagmahal na ama.


Till we meet again! I love you Papa! We love you so much!


Ang nangungulilang anak,

Kulabhing

Share this

Bhing
Receive Quality Articles Straight in your Inbox by submitting your Email below.

1 Share your thoughts :

hindi kalabisa ang mangulila sa taong mahalaga sa iyo. isa lamang itong senyales na hindi parin sya nawawala sa puso mo. andiyan parin sya, hindi mo nakakalimutan.

i'm sure, wherever your dad is, he is proud of you... of what you have achieved, what you have become, and what you have done for your family.

namimiss ko na rin ang mama ko. i would never forget to miss her. :)

Ads2