Bawat araw na dumarating sa aking buhay ay isang kabanata na hindi ko tiyak saan mag-uumpisa. Anong bantas ang dapat kung gamitin o kaya'y anong mga bagay ang nararapat kung yakapin. "Kailan ka magigising Gumamela?" tanong ng isang napakalapit na tao sa akin dito sa Taiwan.
Pinipilit kong kayanin pa ang lahat ng sakit ngunit sa sobrang dami at laki na ng sugat nahihirapan itong humilom. Sasabihin ng iba, hayaan mong panahon ang magsabi kung kailan ang takdang araw na mawawala ang pait at pagdurusa.
Paano ko patatawarin ang sarili? Sa puntong ito dito ako nahihirapan, ang aminin na nagkamali ako. Sa buong buhay ko, ginawa ko ang lahat ng makakaya ko na huwag magkamali ngunit tao lang din ako. Pagkakamali bang matatawag ang nagmahal ka ng totoo? Pagkakamali rin ba ang ibigay mo oras at panahon mo sa taong minamahal mo? Pagkakamali rin ba ang umasa sa mga binibitiwan nyang pangako? Nagkamali akong hinayaan kong madala sa emosyon ko, nagkamali akong ibuhos ang lahat ng panahon ko sa isang tao at magapos sa kanyang mga pangako. At pagkakamali ko ring isakripisyo ang sanay hindi dapat para lang sa salitang pagmamahal. Nagkamali akong iba ang dinaanan ko sa tinakda ng nasa Itaas.
Ilang buwan akong naging katatawanan? Ilang taon akong nagpaka martir at lunukin ang mga masasamang salita. Ang tagal, hapong-hapo na aking kalooban. Panghihinayang ba sa mga napundar ang isa pang dahilan?
Durog na ako, subsob sa lupa. Mahirap at sadyang napakahirap ang bumangon subalit sa puntong ito akin ng pinalalaya ang aking sarili sa mapanuring mata at mapagyurak na salita. Paulit-ulit ko na itong sinabi, sirang plaka na nga daw ako sabi ng iba ngunit hayaan ninyong patunayan kong KAYA KO PA. Hindi ko kailangan ang awa, at mga salitang mas nakakababa. Pwede bang hilingin ko pa ang ISANG PAGKAKATAON para maituwid ang aking buhay?
Sa mga kaibigan kung di nakakaintindi at nagagalit na sa akin, pwede bang muli kong maramdaman ang mainit na pagtanggap sa akin sa kabila ng aking pagkukulang? Maaari pa ba?