Ang dami kong tanong ngayon. Bumalik ang ala-alang nagpalugmok sa akin. Tinatago ko sana ang aking emosyon pero hindi ko na kayang hawakan pa. Kusa itong lumabas sa sariling saliw ng musikang ayaw kung marinig ng iba, sa hampas ng hangin na nagpahina sa aking matikas na kinatatayuan at sa nakapaligid na humahatak sa akin.
Tatakbo ba akong muli?
Sasabay ba ako sa larong hindi ko kabisado ang galaw?
Yayakapin ba ang pasilyong maingat kung nilalakaran?
Hindi ako makagalaw. Nababalot ang aking isip ng mga pagkukunyaring ngiti. Nang mga pangakong namutawi sa kanilang labi. Sumasagwan ako ng buong tapang, hinaharap ko ang naglalakihang hampas ng alon at buong loob ko na tinatahak ang ruta kahit na wala akong maaninag na liwanag. Ito daw ay isang sugal, ito daw ang muling papatay sa aking pagkatao subalit gusto kung humawak sa pag-asang aking nararamdaman.
Mali na naman ba ako?
Kailangan ko na bang tuldukan ang kabanata?
Katangahan na naman ba ito?
Pagod na akong laging malakas. Nanlalata na aking kalooban sa bawat dagundong ng unos na dumadaan. Nangangatal na ang aking katauhan sa sangkaterbang palahaw ng naghihinagpis na agam-agam.
Saan ko ba susukatin ang salitang ligaya?
Sa pagmamahal ng iba?
O sa pagbibigay ko ng kaukulang paglaya sa sarili kung mga hinaing?
Ang hirap maging matapang. Minsan walang magtatanong kung ok ka ba kasi nasanay na silang lahat kaya mo. Minsan, kapag nilalabas ang saloobin hindi rin sila naniniwala, parang pakiramdam nila nagbibiro lang. Mahirap dumaing sa kabila ng sakit na tumatarak sa aking pagkatao. Ang daming naghihikahos, ang daming may malaking problema, dadagdag pa ba ako? Ang pagtalikod ba ng tuluyan ang susi sa pagbukas ng bagong pinto?
Ang pagsara ba ng kabanata ay nangangahulugan ng pagtakas?
Napapagod na ako.
Nagsasawa na ako sa paulit ulit na sakit.
Kinakapos na ang aking isip.
Kinukudlit na ako ng pagsuko.
Pagsukong ako ang tatapos ng lahat.
Walang makakaalam.
Walang makakahalata kung kailan.
8 Share your thoughts
sometimes pahinga lang ang katapat ng mga ganyan bagay..di naman kailangan sumuko kagad eh..kaya mo yan sis..wag susuko..
Sabi nga nila ang buhay ay punong-puno ng pagsubok at kailangan tayong maging matatag para labanan ang mga ito.
Wag kang susuko Ms.Bhing. Aja!
at least dito pwedi kang maging mahina. di mo kailangan laging magaing malakas.Kaya mo yan ikaw na pinalakas ng mga pagsubok sa buhay.
tama si kuya romel. at least dito pwede kang magpakita ng kahinaan. sa totoo lang, ikaw naman ang makakasagot nyan ate. follow your heart with no doubt, if its right you'll succeed, if its wrong you'll learn..
kung saan ka mas magiging masaya, doon ka. hindi naman masamang isipin ang sarili paminsan minsan. dito lang ako ate. lab! ♥
magandang araw po
sa ganang akin, naglalakbay ang tao dahil sa may nais tayong marating. Gumawa tayo ng mga bagay dahil sa ating ambisyon. Hindi man umayon sa ating kagustuhan ang resulta ng ating ginawa, hindi ito nangangahulugan ng pagkabigo. Dahil ano't ano man ang resulta, nangangahulugan lamang ito na ating pinaghirapan ang lahat. Dala ang pag asang syang nagpapatibay sa atin.
Hindi sa lahat ng pagkakataon, sasabay tayo sa agos ng tubig. Hindi dapat isipin ang bahala na kung saan makarating. Karuwagan na maituturing. Magagawa nating sumalungat sa agos kung ating gugustuhin o kumapit sa sangang nasa gilid upang hindi tulayang matangay.
Maging totoo tayo sa ating mga sarili. Ating ipakita ang tunay na atin.
magandang araw po muli sa inyo..
may mga panahon talaga na nagiging down tayo. pero sa bandang huli nama'y aangat din tayo
Just be patient, it will teach you what to do...
hindi natin mararating ang magandang isla sa kabilang ibayo kung titingnan lamang natin ang ganda nito mula sa malayo.
isa-isahin mo ang mga nakalatag na katotohanan. ang mga bagay na alam mong TOTOO lamang. dun mo umpisahang magdesisyon.
Ang pagdedesisyon ay hindi minamadali. pinagiisipan yan. may tamang panahon para bitawan ang lahat ng desisyon sa buhay.
Paninindigan. Isa sa naituro ng mga magulang ko. Kapag ginawa mo, panindigan mo. Masakit man, bumagsak ka man, PANINDIGAN mo. At mula roon, tsaka ka bumangon. at gumawa ng panibagong mundo.
Tandaan mo ate, ang kasiyahan natin ay tayo ang gumagawa.
LONG-TERM GOALS. Kung gusto mong maging masaya ng mahabang panahon, alamin mo kung saan ka magiging tunay na masaya. At mahalin mo ang kagustuhang iyon.
Ikaw ay ikaw. mas kilala mo ang sarili mo. Hindi ako, hindi sila ang makakapagsabi ng tama para sayo. IKAW. dahil alam mo ang kakayahan mong magmahal at masaktan.
Alam mo kung kailan ka nagkukunwari at kung kailan totoo. Alam mo kung kailan ka naglalaro at kung kailan seryoso. Alam na alam mo :)
Anumang kaguluhang bumabagabag sa isipan mo, hindi ang pagsuko ang katapat sa halip ay paglaban. Paglaban nang may katotohanan at paninindigan.
Sa huli, magiging masaya ka. Dahil alam ko mas pipiliin mong maging TOTOOng masaya :)
Pahabol: Tanging sa bahay na ito, Ikaw ay ikaw. Nakikita ko un. Dito lamang :)